“Special week” sa pagbabakuna, planong isagawa ng DOH sa katapusan ng Setyembre

NAGPAPLANO ang Department of Health (DOH) na magsagawa ng “special week” para sa pagbabakuna sa COVID-19 sa buong bansa sa katapusan ng Setyembre sa hangaring palakasin ang immunity ng mga Pilipino.

Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Ma. Rosario Vergeire sa press briefing na inaayos lamang ng ahensiya ang mga detalye pero ito ang isang hakbang na tinitingnan nila upang mas mapalawig ang  pagpapabakuna sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa.

Hulyo nang ilunsad ng national government ang “PinasLakas” booster campaign na naglalayong magbigay ng mga pangunahing dosis sa 90 percent ng target na populasyon ng matatanda at pagbabakuna ng hindi bababa sa 50 percent ng target na populasyon ng unang booster dose. 

Ngunit mula nang ilunsad ang kampanya, sinabi ni Vergeire na nananatiling mababa ang bilang ng mga nabakunahang senior citizens at boosted individual.

Sinabi ng DOH na nasa 24,661 na mga matatanda lamang ang nabakunahan laban sa COVID-19 sa ngayon mula noong Hulyo. Samantala, 2.1 milyon lamang ng target na populasyon ang nakatanggap ng kanilang unang booster shot sa panahon ng kampanya.

Sinabi ni Vergeire na ang DOH ay nakikipag-ugnayan na sa kanilang mga regional office at vaccine operations centers para talakayin ang iba pang estratehiya sa pagpapalakas ng bilang ng mga nabakunahang Pilipino.

Idinagdag niya na makikipagpulong din ang DOH sa mga local government units sa Biyernes hinggil sa usapin.

Nitong Agosto 30, lumabas sa datos ng DOH na halos 72.5 milyong Pilipino ang ganap na nabakunahan laban sa COVID-19. Dito, humigit-kumulang 18 milyon ang nakatanggap ng kanilang unang booster dose samantalang nasa 2.2 milyong indibidwal naman ang tumanggap ng pangalawang booster shot.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.