Sitting capacity sa loob ng Quiapo Church, hiling dagdagan

UMAPELA ang pamunuan ng Simbahan ng Quiapo sa gobyerno na dagdagan ang bilang ng mga papayagang makapasok sa loob ng simbahan sa kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

Sa isang panayam sa radyo kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quaipo Church, nanawagan ito sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na dagdagan pa ang kapasidad ng hanggang 50% kahit sa araw lang mismo ng kapistahan ng Quaipo.

Ayon kay Fr. Badong, umaasa silang maikonsidera ng IATF ang kanilang kahilingan kahit sa Enero 9 lamang dahil maraming maa-acomodate na mananampalataya sa loob ng simbahan.

Pagtitiyak ni Fr. Badong, mahigpit pa rin nilang ipapatupad ang social distancing sa loob ng simbahan.

Sa ngayon ay nasa 300 katao lamang ang pinapayagan kada misa o katumbas ng 30 porsyento ng kapasidad nito kung saan kaparehong patakaran din ang ipaiiral sa mismong kapistahan.

Samantala, hinikayat naman ang mga deboto na huwag nang magdala ng replicas ng Black Nazarene partikular ang mga may karwahe.

Sinabi ni Fr. Badong, na sayang ang espasyo sa Enero 9 kung may malalaking mga replicas dahil malaki ang mauukopa nitong espasyo na para sa mga deboto.

Ayon pa kay Fr. Badong, ipinagbabawal makapasok sa Quiapo premises ang malalaking replica  sa mismong Kapistahan ng Itim na Nazareno.

Maari naman aniyang dalhin ang malalaking replica sa ibang araw para sa pagbabasbas at huwag sa mismong araw ng Kapistahan.

Dagdag pa ni Fr. Badong ang malilit na replica lamang ang pahihintulutan na makapasok sa Quiapo premises.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.