Binigyang-diin ng World Health Orgqnization (WHO) na hindi maituturing na “second wave” ang nararanasang panibagong pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ngayon dahil hindi pa tuluyang napababa ang kaso o na-flatten ang curve.
Sa virtual Kapihan session ng Department of Health (DOH), sinabi ito ni WHO Philippine representative Dr. Rabindra Abeyasinghe kung saan hindi aniya nangyari ang pagbaba sa National Capital Region (NCR) kung saan naitala ang pagtaas ng impeksyon kada linggo.
Sa datos ng DOH, nakita ang biglaang pagtaas ng kaso ng dalawang linggo sa mahigit na 40 percent kada linggo.
Ito ay naobserbahan sa Quezon City, Makati, Taguig, Parañaque, Caloocan, at Mandaluyong.
“We always knew that there was quite a big chain of transmission although the numbers went down at some stage to 300-400 on a daily basis,” pahayag ni Abeyasinghe.
Dagdag pa nito na ang nasabing numero ay sumasalamin pa rin ng makabuluhang antas ng transmission sa pamayanan.
“So, it would rather be another spike in the ongoing wave. There’s actually no value in classifying it as a second wave,” paliwanag pa ng WHO official.
Binigyang-diin niya na sa loob ng ilang buwan, naobserbahan ang “community level transmission” ng COVID-19 virus sa NCR, Region 3 at Region 4A.
Gayunpaman, kumpara sa 6,000 na mga kaso na naitala noong nakaraang taon, ang higit sa 3,000 na impeksyon na naitala araw-araw sa nakaraang apat na araw ay makabuluhang mas mababa.
Una nang inihayag ng UP-OCTA Research Team na ang paglobo ng kaso ngayon ay maaaring dahil sa mga pumasok na variant sa bansa.