NAGBABALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa publiko laban sa mga modus ng ilang mapagsamantalang indibidwal o tao na gumagamit ng pangalan ni Labor Secretary Laguesma para lamang makahingi ng pera mula sa target na negosyante at kumpanya kapalit ng pagpapadali o pagkuha ng paborableng resulta sa kanilang nakabinbin na aplikasyon sa ahensya.
Mariing kinukundena ng kagawaran ang mga ganitong karumal-dumal na gawain na may posibilidad na magbigay ng masamang imahe sa DOLE at sumisira sa pangalan ng kalihim.
“The Labor department strongly condemns such nefarious acts that tend to put to bad light the DOLE and destroy the good name of the Labor Secretary,” ayon sa advisory.
Mariing hinihimok ng DOLE ang publiko na iulat ang mga ilegal at ipinagbabawal na aktibidad sa pinakamalapit na DOLE Regional office o tumawag sa DOLE Hotline 1349.
Sinabi ni Labor spokesperson Rolly Francia na sa pamamagitan ng “calls” o tawag sa numerong +639282935724 humihingi ng donasyon ang nasabing mapagsamantalang indibidwal.
Gayunman, hindi pa tiyak kung gumagamit pa ng ibang numero ang mga scammer.
Matatandaan na biktima rin si dating DOLE Secretary Silvestre Bello III ng mga scammers na gumawa pa ng Facebook page para makapanloko sa publiko kung saan dumulog ang kalihim sa National Bureau of Investigation upang matunton ang mga scammers.
Nauna rito ay nagbabala rin ang pamunuan ng Department of Health (DOH) matapos na makatanggap naman ito ng reklamo kaugnay sa kahalintulad na modus na ginagamit naman ang pangalan ng bagong talagang DOH Officer-in-Charge na si Undersecretary Maria Rosario Vergeire.