PORMAL nang inihain sa Kamara ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Mario Victor Leonen dahil umano sa culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.
Sa 40- pahinang reklamong impeachment, binigyang-diin ang paglabag umano ni Justice Leonen sa Saligang Batas nang mabigong i-dispose o maresolba ang hindi bababa sa 37 kaso sa loob ng mandatong dalawampu’t apat na buwan o hindi pagsunod sa Section 16, Article 3 ng Konstitusyon kaugnay ng agad na pag-aksyon at mabilis na disposisyon ng mga kaso.
Isa rin sa tinukoy na ground ay ang pag-upo umano ni Justice Leonen sa mga kasong nakasalang sa House of Representatives Electoral Tribunal o HRET kung saan siya ang chairperson nito.
Dapat din umanong madiin sa betrayal of public trust si Justice Leonen nang mabigong ihain ang kanyang SAL-N sa loob ng 15 taon mula sa 22 taon niya sa University of the Philippines, na maituturing na paglabag sa Section 17, Article 11 ng 1987 Constitution.
Isang Edwin Cordevilla na Secretary General ng grupong Filipino League of Advocates for Good Government o FLAGG ang naghain ng verified impeachment complaint laban kay Justice Leonen sa House of Secretary General.
Si Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba naman ang nag-endorso ng impeachment complaint.
Sinabi naman ni Barba na naniniwala sya sa nilalaman ng reklamo ni Cordevilla bilang isa sa kanyang constituents kaya’t inindorso nya ito.