KINUMPIRMA ni Presidential son at Deputy Speaker Paolo Duterte ang pagpapadala nito ng mensahe sa mga kapwa kongresista patungkol sa posibilidad na hilingin nito sa plenaryo bukas na maideklarang bakante ang mga posisyon sa pagka-House Speaker at Deputy Speaker.
Kasunod ito ng naging mainit na argumento ng dalawang mambabatas patungkol sa kinukuwestyong hindi patas na alokasyon ng pondo ng DPWH sa mga distrito sa bansa.
Pero ayon kay Duterte, ito ay personal niyang pananaw ng pagkadismaya matapos na malaman ang mga hinaing ng kapwa mga mambabatas.
Ngunit ayaw ni Rep. Duterte na makialam dahil kahit siya ay miyembro ng Kongreso, anak pa rin sya ng Pangulo na kung ano man ang kanyang maging aksyon o pahayag ay mabibigyan ng interpretasyon na may kinalaman dito ang Presidente.
Gayunman, sinabi ni Duterte na dapat nang maresolba ng Kongreso ang isyu bago tamaan na naman ang kredibilidad ng institusyon at hindi na maremedyuhan ang pinsalang idudulot nito.
Aminado si Duterte na kung sakali man na mabago ang liderato ng Kamara ay apektado rin sya bilang Deputy Speaker pero handa syang tanggapin ang resulta nito.
Pero sa ngayon ay minabuti ni Rep. Duterte na magtrabaho ng tahimik kaysa masakripisyo ang kalayaan ng Kongreso mula sa dikta ng Palasyo.
Ipinauubaya na ng kongresista sa mga kapwa nito mambabatas ang ano mang katanggap-tanggap na solusyon sa isyu na tiyak na makakaapekto sa mga kinakatawan nilang mga distrito kung pababayaan lang.