Police commander at ilang tauhan, pinaiimbestigahan sa pagkalunod ng 5-anyos na bata sa beach resort

PINAIIMBESTIGAHAN na ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration Police Lt. General Guillermo Eleazar ang hepe ng isang police station sa Olongapo City dahil sa nangyaring pagkalunod ng 5-anyos na lalaki sa isang beach resort.

Ang naturang direktiba ay ipinarating kay Police Regional Office 3 (PRO3) Director Brig. General Valeriano De Leon para agad matanggal sa pwesto si Police Lt. Tyrone Dela Pena Tecson, commander ng Police Station 6 ng Olongapo City Police Office (OCPO).

Base sa ipinarating na reklamo kay Eleazar, Si Tecson ay posibleng maharap sa kasong administratibo dahil sa kapabayaan sa nangyaring pagkalunod ng batang biktima na nakilalang si Jaden Manalansan noong araw ng Linggo ng Pagkabuhay, Abril 4, 2021 sa bahagi ng Palm Tree Beach Resort sa Barangay Barreto.

Nabigo umano si Tecson at mga tauhan nito na pagbawalan ang mga taong nagsidagsaan para maligo sa nabanggit na resort na nooy ginugunita ang araw ng Linggo ng Pagkabuhay.

Kasama sa mga nagsidagsaan sa lugar ang mga bata na pinayagan din umano ng Barangay para maligo bukod pa na hindi nasusunod ang physical distancing at pagsusuot ng face mask.

Batay sa kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Inter-Agency Task Force (IATF) ay ipinagbabawal parin na lumabas ng bahay ang mga bata na may edad 18 pababa dahil na rin sa umiiral na quarantine guidelines.

Ang Olongapo City at Zambales ay nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) pero ganun pa man ay striktong ipinapatupad ng mga nabanggit na lugar ang guidelines ng IATF. Inaalam din kung may pananagutan ang kapitan ng Barangay na si Ghie Baloy dahil sa pagpapawalang bahala at kapabayaan nito sa kanyang tungkulin.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.