SINABI ni Manila Mayor Honey Lacuna na isinasapinal na lamang ang lahat ng kailangan para sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno sa lungsod ng Maynila sa Enero 2023.
Ayon kay Lacuna, noong nakalipas na linggo ay nagkaroon ng pulong ang lokal na pamahalaan ng Maynila at mga kinatawan ng simbahan ng Quiapo.
Napagkasunduan aniya na hindi na muna isasagawa ang tradisyunal na Traslacion at sa halip ay isasagawa ang “Walk of Faith” o Lakad ng Pananampalataya at asahan ang araw-araw na mga misa.
Pinalitan naman ng “Pagpupugay” ang “Pahalik” sa Quirino Grandstand kung saan maaaaring lapitan at hawakan ang Poon pero bawal ang paghalik sa imahen lalo’t may banta pa rin ng COVID-19.
Sa ngayon ay mga “technical” na preparasyon na ang inihahanda, at ang pinal na latag para sa okasyon ay manggagaling sa Quiapo Church, kasama na ang ruta ng Walk of Faith at iba pa ayon kay Lacuna.
Tiniyak naman nito ang buong-pwersang deployment ng Manila Police District o MPD, Manila Fire Department, Manila Health Department at iba pang departamento ng lungsod upang masiguradong magiging mapayapa at maayos ang paggunita sa Pista ng Itim na Nazareno.
Sinabi ni Lacuna na magdaraos ng panibagong pulong balitaan ang lungsod at ang simbahan ng Quiapo ilang araw bago ang Pista.