WALA pang desisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung iuutos o hindi ang pagpapalawig ng COVID-19 state of calamity na natapos noong Disyembre.
Ayon sa Department of Health (DOH), ito ay maaaring makahadlang sa mabilis na pagbili ng mga bakuna.
“The expedited procurement is hinged on the state of calamity executive order,” ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa isang panayam.
Ayon kay Vergeire, ngayong walang state of calamity, kailangang bumalik sa dating paraan ng pagkuha ng mga gamot at teknolohiya tulad ng mga bakuna sa pamamagitan ng RA 9184 at ito ay magtatagal hindi tulad ng dati na madali at mayroon itong negotiated procurement sa ilalim ng emergency measures.
Tinutukoy ni Vergeire ay ang Government Procurement Reform Act, na naglilista ng mga panuntunan upang matiyak ang isang malinaw na proseso ng pagkuha ng isang ahensya ng gobyerno.
Nauna nang sinabi ng DOH na ang special permit ay ilalabas upang pahintulutan ang pagbili ng COVID-19 doses para mapanatili ang vaccination program sakaling hindi matuloy ang state of calamity declaration matapos itong magwakas noong Disyembre 31.
Paliwanag pa ni Vergeire, bukod sa pagbili ng bakuna, ang hindi pagpapalawig ng state of calamity dahil sa krisis sa kalusugan ay makakaapekto rin sa iba pang teknikal na usapin.
Ito ay indemnification, na bahagi ng mga kinakailangan ng mga supplier o manufacturer para mapadali nila ang procurement contract liability, at ang immunity mula sa pananagutan ng mga healthcare worker kapag sila ay nagsasagawa ng pagbabakuna.
Ang DOH aniya ay gumagawa na ng countermeasures para mapangasiwaan ang mga alalahaning ito, dahil tila nais ng Pangulo na huwag palawigin ang state of calamity.
Tiniyak din niya ang publiko na ang hindi pagpapalawig sa state of calamity ay hindi makaapekto sa COVID-19 pandemic response.
“We had been gradually easing our restrictions for these past months already and I think we have been successful because we were able to manage our situation, especially our hospitals are now manageable. We are better,” saad ng DOH OIC.