TINULDUKAN na ng Philippine National Police (PNP) ang agam-agam ng mga operators at mga manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hinggil sa problema sa insidente ng mga kidnapping, pang-aabuso at mga nawawalang mga trabahador.
Ito ang nakapaloob sa naganap na pirmahan ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng PNP, POGO companies at mga lokal na pamahalaan ng Bacoor City, Kawit at Carmona sa lalawigan ng Cavite na ginanap sa Camp Pantaleon Garcia, Brgy. Poblacion A, Imus City, Cavite.
Kabilang sa mga napagkasunduan ay ang pagbibigay ng assistance sa pagkuha ng mga POGO ng mga permit at clearance; pagsasagawa ng imbestigasyon at police intervention sa mga kaso ng paglabag sa batas; pagbuo ng isang Special Investigation Task Group (SITG) para sa mga nasangkot sa ilang insidente; pagresponde ng kapulisan kung nasasangkot ang mga ito sa isang insidente at police visibility sa mga lugar; pagbibigay ng kampanya at impormasyon na may kinalaman sa kidnapping, abduction, illegal detention at iba pang krimen na kinasasangkutan ng POGO operators at empleyado nito na lalabag, at pagtulong para sa pagsasampa ng deportasyon laban sa mga POGO operators at empleyado.
Hinihikayat din nila ang pagsasampa ng reklamo laban sa mag suspek na responsable sa anumang paglabag sa batas.
Nakasaad din sa kasunduan na sisiguraduhin ng POGO establishment na susunod sila sa mga mandatory requirement kabilang ang para sa mga permit at clearance ng kanilang empleyado.
Sa panig naman ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Cavite, imo-monitor din nila upang matiyak na maipapatupad ang kanilang working conditions, pagbibigay ng tamang suweldo, oras ng trabaho, pagbibigay ng holiday pay at iba pang benepisyo at magsasagawa rin sila ng annual inspection sa mga kumpanya.
Nagbigay naman ng assurance si Police Colonel Edwin Quilates, DRDO na hindi na mauulit at hindi na madadagdagan pa ang kaso ng kidnapping, mga nasasaktan at nawawala sa panig ng mga empleyado ng POGO at may immediate action na ipapataw sa panig ng POGO companies kung hindi sila sumunod sa pinirmahang MOU.
Sa datos, sinabi naman ni Police Colonel Christopher Olazo, Provincial Director na aabot sa mahigit na 8,000 ang mga POGO employees mula sa mga POGO companies sa Bacoor City, Kawit at Carmona, pawang sa Cavite.