HINDI mairerekomenda ng Department of Health (DOH) na mapayagan ang pagbubukas ng mga videoke o ang paggamit nito sa publiko dahil sa mas mataas na panganib ng hawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ibinabala ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa bagong pag-aaral ay natukoy na ang pagkanta ay nakapagpapalabas ng malaking load ng viral transmission kumpara sa pakikipag-usap o paghinga.
Ang babala ni Vergeire ay sa harap na mauusong muli ang videoke singing lalo na ngayong papalapit ang Kapaskuhan.
“Nakita rito sa pagaaral na kapag ikaw ay kumakanta ito ang pinakamataas ang load ng virus na pwede mong mai-transmit so siyempre ‘pag may mga ganitong ebidensya, ang Department of Health po sinasabi natin hindi natin mairerekomenda na itong videoke ay buksan,” paliwanag ni Vergeire.
Gayunman, sinabi ni Vergeire na pupuwede naman ang naturang aktibidad kung gagawin lamang ng magkakasamang pamilya sa loob ng bahay.
“Sa mga pami-pamilya lang na hindi naman lumalabas maaaring payagan. ‘Yung malawakan, party ng mga kaibigan ay dapat iwasan po muna natin ito,” dagdag nito.
Nauna na ring inirekomenda ng DOH na magdaos na lamang ng virtual party ngayong Christmas season upang maging ligtas at makaiwas sa pagkalat pa ng COVID-19.