ININSPEKSIYON ng Bureau of Customs (BOC) kasama ang ilang ahensya ng gobyerno ang ilang warehouse sa Meycauayan Bulacan nitong linggong ito.
Naglabas ang BOC ng siyam na Letter of Authority (LOA) at Mission Orders laban sa mga may-ari, kinatawan, o sinumang may hawak ng mga imported na kalakal na nakaimbak sa mga bodega.
Natuklasan sa isinagawang inspeksyon ang 11,717 sako ng local sugar na may assorted brands at 50,182 sako ng Mithr Phol Pure Refined Sugar mula Thailand sa B3L5 Kendex Drive, Polyland Industrial Subdivision; at 60,876 sako ng imported na assorted brands mula Thailand sa Edison Lee Marketing sa Dazo Compound.
Gayundin nasa 1,860 sako ng Mithr Phol Pure Refined Sugar mula sa Thailand ang natagpuan sa Olympia Street, Sterling Industrial Park; habang 62,734 locally produced na asukal na may iba’t-ibang tatak, gayundin ang mga kitchenware at GM na produkto, ay natagpuan sa Copper Street, Muralla Industrial Park.
Tinatayang nasa P936 milyon ang halaga ng kalakal na natagpuan sa mga bodega ng asukal.
Ang mga kinatawan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ay hindi nakiisa sa pagpapatupad ng mga LOA ngunit naroroon sila sa panahon ng imbentaryo upang matukoy kung ang mga asukal na nakaimpake ay talagang lokal na ginawa dahil sa mga ulat ay nagsasaad na ang nasabing smuggled na asukal ay nire-repack upang maging lokal na produkto.
Binigyan naman ng BOC ang mga may-ari o kinatawan ng mga bodega ng 15 araw upang magprisinta ng mga kaukulang dokumento bilang patunay na ang kanilang kalakal ay legal na inimport sa bansa.
Patuloy namang binabantayan ang mga bodega habang nakabinbin ang pagsusumite ng mga dokumento.
“We have to be on our toes 24 hours 7 days a week. You will see that our teams have been operating round the clock, even on weekends. This shows the determination of this administration in making accountable the groups that could be helping this sugar crisis blow out of proportion,” sabi ni BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz.
Ang operasyon ay bahagi ng marching order sa Bureau of Customs ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang siyasatin ang mga bodega na sinasabing nag-iimbak ng asukal sa gitna ng krisis sa suplay ng asukal sa bansa.