INAMIN ni Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza na nagpositibo siya sa coronavirus disease (COVID-19) at kasalukuyan siyang nasa ospital.
Sa ipinalabas nitong kalatas, sinabi ni Daza na umuwi siya ng Catarman mula sa Maynila nuong Agosto 8 upang alamin ang sitwasyon ng kanyang distrito pero nagpa-swab test muna siya bago bumiyahe at negatibo naman ang resulta nito.
“Sadly, I share the news that I was diagnosed as COVID-19 positive yesterday, August 25. I am now hospitalized and look forward to being discharge upon clearance by my doctors,” ayon kay Daza.
Inikot umano niya ang ilang bayan sa kanyang distrito at hinarap ang mga lokal na opisyal, community leaders at constituents ngunit nuong gabi ng Agosto 16 ay nagsimula nang sumama ang kanyang pakiramdam.
Dahil hindi bumuti ang kanyang pakiramdam bagamat siya ay nag-isolate, bumalik siya ng Maynila nuong Agosto 24 upang magpa-ospital at magpasuri alinsunod na rin sa payo ng kanyang doktor at kahapon nalaman na positibo siya sa virus infection.
Inatasan na ng kongresista ang kanyang mga staff sa Kamara at distrito na agad magsagawa ng contact tracing sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at health authorities.
Kung isasama sa mga kaso ng COVID-19 positive sa Kamara, ika-55 na si Daza.