Umayuda ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pamamagitan ng pagpapadala ng rescue team at rescue boats sa Marikina at Cagayan na kapwa lubos na sinalanta ng Bagyong Ulysses.
Isang rescue team, rescue boat at ambulance ang ipinadala ni Mayor Toby Tiangco sa Cagayan para tumulong sa rescue operation at may mga dala din silang banig, kumot at foods packs para sa mga apektadong residente.
“Ipanalangin po natin ang ligtas nilang pagbiyahe papunta at pauwi, at habang isinasagawa nila ang rescue operation” ani Mayor Tiangco.
Nauna rito, nagpadala din si Tiangco katuwang ang kanyang kapatid na si Cong. John Rey Tiangco ng team mula sa DRRRMO, rescue boat, amphibian at utility truck para tumulong sa rescue operation sa Marikina city.
Ipinadala din ng lungsod ang Bureau of Fire Protection-Navotas, kasama ang Red Cross-Navotas, Phantomfr Volunteer, Nabcom Fire-Rescue Volunteer, at Batas Fire at Rescue Volunteer dala ang tanker at rescue truck sa Marikina para makatulong sa flushing o paglilinis upang matanggal ang putik.
Dati, ang Navotas ay lumulubog sa tubig at kahit umaraw na ay may baha pa rin dahil sa high tide. Pag sinabayan pa ng ulan o bagyo, baha na hanggang bewang o dibdib.
Subalit, dahil sa pagsisikap ng magkapatid na Tiangco na magtayo ng maraming mga pumping station na umabot na ngayon sa 57 bombastik stations na nakaposisyon sa buong lungsod ay napigilan na ang mga pagbaha sa lungsod.
Dagdag pa dito ang ipinagawa ng lungsod na concrete culvert (malalaking kanal sa ilalim ng kalsada) at ang 3.6 kilometrong dike mula Bagumbayan North hanggang Tangos South na nagpoprotekta sa mga kabahayang nakaharap sa Manila Bay sa malalaking alon tuwing may bagyo.