Nagpakilala bilang Cebu governor Garcia, timbog sa NBI Central Visayas

SINAMPAHAN ng kaso ng National Bureau of Investigation-Central Visayas (NBI-7) ang isang babaeng nagpapakilalang siya si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia sa social media para manghingi ng pondo para sa umano’y non-government organization. 

Si Conchita Ceniza Traya, residente ng Prosperidad, Agusan del Sur, ay kinasuhan sa Prosecutor’s Office noong Lunes, Oktubre 3, dahil sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

Dahil nanatiling nakakalaya ang respondent, magsasagawa ang prosecutor’s office ng paunang imbestigasyon at bibigyan ng pagkakataon si Traya na isumite ang kanyang counter-affidavit upang pabulaanan ang mga paratang.

Kung may sapat na ebidensya laban kay Traya, itataas ang mga kaso sa trial court. Kung hindi, madi-dismiss ang kaso.

Ang kaso laban kay Traya ay nag-ugat sa natanggap na mensahe ng isang public school teacher noong Hunyo 27, 2022 na si Herbert Canete mula sa pekeng Gobernador Garcia account na humihingi ng P100,000 para makatulong sa isang non-government organization.

Nauwi ang tawaran sa halagang P5,000 kung saan ipinadala ang naturang halaga sa pamamagitan ng GCash.

Matapos ang naging transaksyon ng guro kay Traya, nagpadala ng screenshot ang guro kay Gobernador Garcia na humingi ng interbensyon ng NBI sa isang pekeng Instagram account na ginamit ang kanyang pangalan.

Walang personal na Instagram account si Garcia. Ang mayroon siya ay isang opisyal na Instagram fan page na pinamamahalaan ng Provincial Information Office na pinangalanang “GwenGarcia_Cebu.”

Na-trace si Traya gamit ang “warrant to disclose data” para sa kanyang natukoy na GCash account.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.