PINASAYA ng Manila Police District (MPD) ang ilang pasahero ng Light Railway Transit (LRT) matapos mamigay ng bulaklak at mag-alay ng kanta ang ilang MPD personnel ngayong Valentine’s Day.
Sa pangunguna ng mga tauhan ng MPD Forensic Unit (MPDFU) na pinamunuan ni PMaj. Liza Octaviano-Ang, Assistant Chief MPDFU, sa ilalim ng superbisyon ni PLt. Col. Edmar Dela Torre, Hepe ng MPDFU, kasama ang District Mobile Force Batallion (DMFB) sa pangunguna ni PCol. Julius Anonuevo, DMFB Commander, nagtungo ang mga ito sa LRT Central Station sa Arroceros, Maynila dakong alas-diyes ng umaga kanina.
Dito namigay sila ng bulaklak sa mga sumasakay, babae man o lalaki na mga pasahero ng LRT.
At upang lubos-lubusin ang kasiyahan ng mga pasahero, kinantahan din nila ang mga ito.
Bukod sa pamimigay ng bulaklak at pagkanta, nagsagawa rin sila ng blood pressure at blood testing examination.
Kasbay nito, maging ang ilang personnel ng Philippine Coast Guard (PCG) ay nag-alay din ng bulaklak sa mga pasahero ng bus na biyaheng PITX-Monumento at vice versa.
Matatandaan na nag-alok ang PCG ng libreng sakay mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng umaga at alas-4:00 hanggang alas-7:00 ng gabi.