Binalaan ngayong umaga ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMajor General Vicente Danao, Jr. ang mga pulis na nasasangkot sa katiwalian lalo na sa kanyang panahon.
Sa katatapos na seremonya sa kanyang command visit sa Manila Police District (MPD) headquarters, ibinuhos ng heneral ang kanyang galit sa ilang mga kapulisan dahil sa pagkakasangkot sa mga ilegal na aktibidad ng iilan gaya ng ilegal na droga at holdapan.
Partikular na binanggit ni Danao ang limang pulis na kumalawit ng Chinese na sangkot sa ilegal na droga at sa nasabing operasyon ay P40 milyon ang kanilang ibinulsa.
Nang tanungin kung mula sa hanay ng kapulisan ng MPD ang binabanggit nito at kung mga high-ranking officials, ang tanging isinagot lamang ni Danao ay “basta nasa NCRPO.”
Nagbabala din si Danao na dalawa lamang ang option ng mga tiwaling mga pulis. Isa aniya rito ay ang magretiro na lamang o kaya ay mag-AWOL (Absent Without Leave) dahil hindi aniya siya papayag na yuyurakan ng mga tiwali ang uniporme ng Philippine National Police (PNP).
Binigyan din ng ultimatum ni Danao ang lahat ng kapulisan habang siya ang namumuno sa NCRPO.
Tiniyak din nito na hindi niya kakasuhan ang limang pulis ngunit sila ay lilitsunin.
Samantala, binigyan naman ng parangal ang ilang mga tauhan ng MPD dahil sa patuloy nilang matapat na pagtupad sa kanilang tungkulin .