Mga sabungero, arestado sa tupada sa Caloocan

Aabot sa 13 katao na pawang mga sabungero ang walang kawala sa mga awtoridad ng salakayin ng mga ito ang isang ilegal na tupadahan sa Caloocan City.

Kinilala ang mga naarestong suspek na si Raymond Garsola, 38 anyos, Louie Lisondra, 34 anyos, Jomar Biescas, 41 anyos, Romeo Lalaguna, 53 anyos, Gringo Dacillo, Felix Pastrana, 48 anyos, Allan Marchan, 42 anyos, Alfred Masiddo, 42 anyos, Ansley Joseco, 41 anyos, Joy De Leon, 39 anyos, Jayson Mutuc, 34 anyos, Mario Dacutanan, 40 anyos, at Alfredo Lunnay, 44 anyos.

Sa report ni P/Major Amor Cerillo, OIC ng District Special Operation Unit (DSOU) kay Northern Police District (NPD) Director PBrig. Gen. Nelson Bondoc, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa nagaganap na ilegal na tupadahan sa Rosal St. Brgy. 96, Caloocan City.

Kaagad bumuo ng team ang DSOU sa pamumuno ni Major Cerillo sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. Allan Umipig, kasama ang 4th Maneuver Force Company-Regional Mobile Force Battalion National Capital Region Police Office (MFC-RMFB NCRPO) sa pangunguna ni PLt. Abe Lunggami, Company Commander, saka sinalakay ang naturang lugar dakong alas 11:30 ng umaga na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Ayon kay PSSgt. Allan Reyes na kasama sa operasyon, narekober nila sa lugar ang isang patay na panabong na manok na may tari, isang buhay na panabong na manok na may tari at P5,720 bet money na may sari-saring denominasyon na nakuha  kay Garsola, collector/kasador.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.