Nakumpleto na ng Navotas ang pagbabakuna laban sa tigdas-rubella sa mga batang 5-taong gulang pababa, ang unang lungsod sa Metro Manila na nakagawa nito.
Sa ulat nitong March 2, nabanggit ng Department of Health (DOH) na nagawang mabakunahan ng Navotas ang 19,820 mga bata o 100.42 percent ng 19,738 target na populasyon.
“Sa kabila ng mga hamon sa pag-aalangan ng bakuna at pandemya, nagpursige ang aming mga health workers na protektahan ang aming mga anak mula sa tigdas at rubella. Marami sa kanila ay kailangang pumunta sa bahay-bahay upang maabot ang mga pamilya na hindi makakapunta sa aming barangay health centers,” ani Mayor Toby Tiangco.
“Pinasalamatan namin ang aming mga health workers sa kanilang dedikasyon at suporta ng mga magulang [sa] immunization drive. Inaasahan namin na magkakaroon din kami ng parehong pagtanggap at sigasig sa aming COVID-19 vaccination program,” dagdag niya.
Ang Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MRSIA) ay nagsimula noong February 1-28 at pinalawig ng DOH ang deadline hanggang March 7 upang maabot ang target populasyon ng bansa na 95 percent.
“Ang aming mga anak ay protektado na ngayon mula sa tigdas at rubella, ngunit hindi pa sila maaaring ma-inoculate laban sa COVID-19. Protektahan natin sila mula sa nakamamatay na sakit sa pamamagitan ng pagbabakuna,” sabi ni Tiangco.
“Sa pamamagitan ng pagbabakuna, binabaan natin ang peligro na magkaroon ng pagkalat ng virus. Sa ganitong paraan, nakakatulong kami na mapanatiling ligtas ang iba, lalo na ang mga mahihina tulad ng mga bata at matatanda,” paliwanag niya.