SINABI ng Philippine National Police (PNP) na nasa 655 na lamang ang bilang ng ma aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga pulis sa araw na ito.
Ito ay matapos na makapagtala ng 93 na recoveries at 34 na bagong kaso.
Base sa datos ng PNP Administrative Support for COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF), ito ang pinakamababang bilang ng aktibong kaso mula noong Mayo kung saan nasa mahigit 3,000 ang aktibong kaso ng PNP, na umabot sa pinakamataas na antas na 3,217 noong Setyembre 17.
Una nang sinabi ni PNP Deputy Chief for Administration at ASCOTF Commander PLt. Gen. Joselito Vera Cruz, ang pagbaba ng kanilang mga aktibong kaso ay dahil sa halos nakumpleto na ng PNP ang pagbabakuna sa kanilang mga tauhan.
Sa ngayon ay 98.7 porsyento na ng mahigit 220 libong tauhan ng PNP ang nabakunahan, kung saan 88.7 porsyento ang fully vaccinated na, at 10 porsyento ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna.