Mahigit P149-milyong halaga ng shabu, nasamsam sa Muntinlupa

AABOT sa P149.60 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng mga ahensya ng gobyerno sa Ayala-Alabang Village, Muntinlupa City, kahapon.

Bukod dito, naaresto rin ang limang suspek na hindi pa tinutukoy ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang pagkakakilanlan at nasyonalidad.

Ayon sa BOC, tinatayang nasa 22 kilo ang timbang ng nasabing droga.

Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Bureau of Customs-Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (BOC-MICP-CIIS) Field Station, Enforcement and Security Service (ESS), CIIS Intelligence Division, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

Nag-ugat ang operasyon mula sa impormasyon na umano’y mayroong mga banyaga na nage-export  ng shabu at cocaine sa Australia.

Nagsagawa naman ng serye ng case conference ang BOC at PDEA at nagpalitan ng impormasyon sa mga point persons bago ang joint operations.

Nasamsam din ang iba’t-ibang Controlled Precursors and Essential Chemicals na may iba’t-ibang volume na ginagamit sa paggawa ng ilegal na droga at iba’t-ibang laboratory materials at mga equipment, identification cards, mobile phones at iba pang mga may mahalagang dokumento.

Ipapadala sa PDEA Laboratory Services ang mga ebidensiya para sa qualitative at quantitative examination at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot na personalidad.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pamumuno ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ay mas pinaiigting pa ng BOC ang kanilang border protection efforts at pinalalakas ang pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya upang matigil ang pagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa.

(PHOTO CREDIT: Bureau of Customs)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.