Mahigit P.5 milyon ng shabu nasamsam sa Caloocan; tatlong suspek, tiklo

TINATAYANG mahigit P.5 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa tatlong drug suspects, kasama ang isang bebot matapos madakma ang mga ito sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief Col. Ruben Lacuesta, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Major Dennis Odtuhan, kasama ang 3rd MFC RMFB-NCRPO ng buy-bust operation sa Bagong Barrio, Brgy. 150.

Kaagad dinamba ng mga operatiba ang kanilang target na si Melvin Paura alyas “Melvin Ulo,” 25 anyos, (pusher/watchlisted) at kanyang kasabwat na si Edrick May Valdez alyas “Mae,” 25 anyos, (pusher) matapos bentahan ng shabu ang isang pulis na nagsilbing poseur-buyer.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 75 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P510,000 at buy-bust money.

Nauna rito, dakong alas-7:20 ng gabi nang masakote naman ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit-Northern Police District (DDEU-NPD) sa pangunguna ni PSMSgt. Michael Tagubilin sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. Renato Castillo sa buy-bust operation sa Tanigue St., Brgy. 18 si Carlito Lubrique alyas “Bimbo,”, 46 anyos, ng Blk 12, Lot 8, Phase 3C, Dagat-dagatan Avenue.

Ani PSSgt. Rodney Dela Roma, nakuha sa suspek ang humigit-kumulang 6 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P40,800, buy-bust money at coin purse.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.