Hindi umano nakarehistro sa Land Transportation Office (LTO) ang 75-porsyento ng mga sasakyan ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Sa annual audit report ng Commission on Audit (COA) sa MMDA, nabatid na 399 ng serviceable vehicles ng MMDA ay hindi rehistrado nuong 2019 dahil sa kabiguang tumugon sa LTO inspection.
Karamihan umano kasi sa mga sasakyan ng MMDA ay nangangailangan ng pagkukumpuni o rehabilitasyon.
Diin ng COA, ang hindi pagpaparehistro sa mga sasakyan ay paglabag sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.
Natukoy din ng COA na mayruong anim na sasakyan ang MMDA na nakarehistro pa sa dating may-ari nito nuong 2019 na ipinagbabawal sa batas.
“As one of the implementing agencies for traffic enforcement, MMDA should act as a role model for the public and to follow strictly with rules and regulation prescribed by LTO for motor vehicle registration,” diin pa ng COA.
Katwiran naman ng MMDA, hindi nairehistro ang ilan nilang mga sasakyan sa maraming kadahilanan tulad ng kabiguang makapasa sa inspeksyon ng LTO matapos makitang depektibo ang signal light, plate light at brake light, bagsak sa smoke emission, may faulty electrical wirings, lumang itsura ng sasakyan o kaya ay hindi mabasa ang chassis number.
Mayruon ding mga sasakyan nila ang wala o hindi kumpleto ang mga dokumento para sa renewal ng rehistro.