Tinatayang nasa 58-katao ang na-trap sa kani-kanilang bahay sa Ermita, Manila, Huwebes ng madaling araw.
Ito ay nang gumuho ang isang pader dahil sa malakas na hangin at ulan na dala ng bagyong Ulysses habang nananalasa sa Metro Manila at iba pang rehiyon sa bansa.
Batay sa ulat, pasado 2:00 ng madaling araw nang mag-collapse ang pader sa may Santa Monica, kanto ng MH Del Pilar Street, sakop ng Barangay 668, Ermita, dahil sa lakas ng hangin ang ulan.
Ayon kay Department of Public Service (DPS) director Kenneth Amurao, may mga tahanang nakatayo sa tabi ng naturang pader, kaya’t na-trap ang tinatayang may 58-indibidwal na naninirahan doon.
Sinabi naman ni Manila Mayor Chief of Staff Cesar Chavez na kaagad na nagsagawa ng rescue operation ang mga awtoridad sa lugar at ligtas na nasagip ang mga na-trapped na residente, kahit na nahirapan ang mga rescuers dahil sa malakas na pag-ulan at hangin, lalo na’t malapit ang pinangyarihan ng insidente sa Roxas Boulevard.
Pinangunahan ng Manila DRRMO ang rescue operation kasama ang Manila Police District at DPS.
Ayon naman kay PCOL Narciso Domingo, deputy director for administration ng Manila Police District (MPD), dinala muna ang mga nasagip na residente sa Archdiocesan Shrine of Our Lady of Guidance, o Ermita church, ang mga nasagip na residente para may masilungan sila habang nananalasa ang bagyo.