MAHIGIT sa 132,000 indibidwal na ang nakatanggap ng kanilang unang booster dose laban sa COVID-19 sa tatlong araw na COVID-19 “Bakunahang Bayan” ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, nasa kabuuang 132,770 ang nakatanggap ng unang booster shot sa nasabing aktibidad.
Tumaas din sa 49.3 percent ang vaccination coverage sa mga 5 hanggang 11 taong gulang na mga bata matapos madagdagan ito ng 33,239 kung saan ang target ng gobyerno para sa nasabing age group ay 10.8 milyon.
Ikinasa ang special vaccination drive mula Disyembre 5 hanggang 7 na layong madagdagan ang booster uptake at vaccination coverage sa pediatric population.
Sa pinakahuling datos ng DOH, nasa 73.6 milyong Pilipino na ang ganap nang nabakunahan laban sa COVID-19. Sa nasabing bilang, 20 milyon na ang nakatanggap ng karagdagang bakuna.