Kaway kaway sa mga pasaway ngayong may pandemic

Share this information:

Ano ba talaga, kuya? Si “Kuya” na ang tinutukoy ko ay ang bumubuo ng Inter-Agency Task Force-on Emerging Infectious Diseases o IATF-EID.

Ang IATF ay binubuo ng mga matatalino at kung minsan ay nasisingitan ng may “matatabang utak” na mga opisyal mula sa Department Of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Transporation (DOTr) at iba pa.

Nabuo ang IATF dahil sa pandemyang ito ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 na nagmula ng China at lumaganap na hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa malaking bahagi ng mundo.

Ang IATF ang siyang inatasan ng kasalukuyang gobyerno para bumalangkas ng mga panuntunan at health and safety protocols na dapat ipatupad at sundin ng publiko.

Pero heto na nga po sa nagdaang panahon ng pandemya ay naging “hilong-talilong” ang taumbayan sa IATF sa pagpapa-iral ng kanilang mga patakaran.

Sa madaling sabi ika nga, urong-sulong ang desisyon nila — laban o bawi. Anu ba talaga koyang? Sila-sila ay kumakamot sa anit dahil hindi nagkakatugma o nagkakasundo sa mga desisyon.

Anyare sa motorcycle barrier? Oobligahin ang mga motor rider na bumili at gumamit pero babawiin. Anyare sa pina-iiral na one-meter physical distancing na binago ng DOTr sa .75-meters pero ibinalik muli sa orihinal na distansya.

Kaya ang publiko, nahilo. Parang first time ba ulit? Kalahating taon na tayo sa krisis ah? Parang hindi maganda kung ipinagkaisang bigkis ang talino at taba ng utak ng IATF, dahil nga hindi magka-alright ang kanilang desisyon kaya ayan kadalasan, “salengkwang”.

----------------------------oOOo--------------------------------            

Sino ang dapat masisi at kailangan managot sa pagdagsa ng mga tao sa pagbubukas ng “Manila Bay Sands” nitong nakalipas na Sabado at Linggo?

Hindi na kasi na nasunod ang minimum health protocols tulad ng physical distancing ng ating mga kababayang sabik na sabik na sumugod sa Manila Bay at nakipag-unahan na makapasok at makatapak ng “dolomite” sand sa dating mabaho at maruming Manila beach.

Nasa panahon pa tayo ng quarantine dahil sa pandemya. Subalit ang naging sitwasyon duon ay talagang nakababahala, literal na nagdikit-dikit na ang mga tao at meron pang nagkabalyahan sa pilahan habang ang iba wala na ngang suot na face shield, tanggal pa ang face mask.

May mga bata at matatanda pang nakikipila na dapat ay sinisita ng mga pulis na nagbabantay ng seguridad doon dahil bawal sila sa lansangan sa ilalim ng umiiral ng General Community Quarantine.

Sa madaling sabi uli, ang mga dumagsa sa Manila Bay Sands nang pansamantalang buksan ito sa publiko ay awtomatikong “exposed” na sila sa COVID-19 virus.

Paano kung mag positibo ang karamihan sa kanila at naiuwi sa kani-kanilang tahanan? Tsk tsk tsk, kaawa-awa ang pamilya.

Malaking problema ito kapag nagkataon, lalong lalo na sa gobyerno ng Maynila, contact tracing paano na? Wala naman kasi nagfill-up ng form o details sa kapirasong papel para matunton sila kung sakali.

Mukhang nakakalimot ang ating mga kababayan, puwes, ipinaaalala kong muli, General Community Quarantine o GCQ pa ang Metro Manila kaya sabi ng gobyerno kailangan sumunod sa mga pinapatupad na health protocols.

At dahil diyan, nasibak tuloy bilang hepe ng Ermita Police Station 5 ng Manila Police District (MPD) si Police Lt. Col. Ariel Caramoan.

Kumbaga, nasampolan siya ni PNP Chief General Camilo Cascolan na nag-atas kay Joint Task Force (JTF) COVID SHIELD Commander Police Lt. General Guillermo Eleazar na alisin agad sa puwesto si Caramoan.

Ang dahilan ng pagkakasibak kay Caramoan ay ang pagkabigo nitong mapigilan ang pagdagsa ng mga tao sa Manila Bay Sands at hindi napairal ang physical distancing.

Pero dapat tanungin din natin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung sino ang may pagkukulang, kapabayaan sa nangyari. Mahirap magturo, baka manuno.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.