SA ikalawang magkasunod na linggo ay nakatakdang magpatupad ng bawas-presyo sa produktong petrolyo ang ilang kumpanya ng langis bukas.
Ini-anunsyo ng mga kumpanyang Cleanfuel, Shell, Seaoil, Caltex at Petrogazz ang rolbak na limang-piso at pitumpung sentimo (P5.70) sa kada litro ng gasolina.
Anim na piso at sampung sentimo (P6.10) naman ang tapyas sa kada litro ng diesel.
Samantala, may anim na piso at tatlumpung sentimong bawas-presyo rin sa halaga ng kerosene ang Shell, Caltex at Seaoil.
Ang bawas-presyo ay bunsod na rin ng pagbaba ng halaga ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Naniniwala naman ang ilang oil players na tumabang ang kalakalan ng krudo sa pandaigdigang merkado kaya’t nagpatupad ng bawas-presyo ang ilang mga kumpanya ng langis sa bansa.
Ayon kay Dr. Fernando Martinez, ang chairman emeritus ng Independent Philippine Petroleum Companies, bumagsak ng tinatayang dalawampung dolyar ang kada bariles ng krudo.
Nagdulot aniya ito ng sampung porsyentong pagbaba rin ng halaga ng produktong petrolyo sa bansa.
Sinabi ni Martinez na hindi naman sa nadagdagan ang suplay kundi humina ang pagbili ng ibang mga bansa tulad ng China dahil sa umiiral na lockdown dulot ng COVID-19.
Umaasa naman si Martinez na magtutuluy-tuloy na ang pagbaba ng halaga ng langis.