Iba’t-ibang gamit, nakumpiska sa pagsasagawa ng “Operation Greyhound” sa Manila City Jail

ISANG malakihang operasyon na tinawag ng “Operation Greyhound” ang isinagawa kamakailan ng Manila CIty Jail dalawang taon makalipas na pumutok ang COVID-19 pandemic.

Bagaman walang nasamsam na ilegal na droga, sinabi ni Jail Officer 1 (JO1) Jake Jacobe, ang tagapagsalita ng Manila City Jail-Male Dormitory, na kabilang naman sa mga nasamsam sa operasyon ay mga bagay tulad ng  kutsilyo at cutter, pang-ahit at toothbrush, mga ballpen at lapis, mga plais (pliers), bakal, mga basag na salamin at iba pa.

Katuwang ng  Bureau of Jail Management and Penelogy (BJMP) sa operasyon ang Manila Police District (MPD) at Bureau of Fire Protection (BFP), alinsunod na rin sa utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos.

Sa Manila City Jail, nasa 4,701 na mga person deprived of liberty (PDL) ang nasa male dormitory; habang 1,040 na PDL sa female dormitory.

Inamin naman ni Jacobe na may mga naghahagis pa rin ng kontrabado o gamit sa loob ng Manila City Jail.

Kabilang dito ang cellphone, alak na inililipat sa plastic bottles, sigarilyo at iba pa.

Ayon kay Jacobe, mga informal settlers ang karaniwang naghahagis ng mga gamit na madalas namang sitahin ng BJMP at kanilang iniimbestigahan.

Tiniyak naman ni Jacobe na mahigpit ang inspeksyon sa lahat ng mga papasok na tao at mga gamit sa loob ng Manila City Jail upang maiwasan ang anumang pagpasok ng mga kontrabando o ilegal na mga gamit.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.