INIHAIN sa Kamara ang panukalang batas na layong mapayagan na makaboto sa pamamagitan ng koreo o postal ang mga nakatatanda.
Sa inihaing House Bill 07572 ni Marikina City Rep. Stella Quimbo, binibigyan ng awtorisasyon ang Commission on Elections (Comelec) na payagan ang mga senior citizen na makaboto sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila ng koreo.
Iyan ay sa harap na rin ng papalapit na eleksyon sa taong 2022 at wala pang katiyakan kung kailan magiging ligtas sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at kabilang ang mga senior citizen sa sektor na mataas ang panganib na mahawaan ng virus.
Nuong 2019 elections, tinukoy ni Quimbo na mula sa 61.8 milyong nakatatanda o edad animnapu pataas sa bansa, 9.1 milyon ang mga rehistradong botante at hindi pupuwedeng mapagkaitan sila ng karapatang makaboto sa gitna ng pandemya.
Sakaling maisabatas, pahihintulutan ng Comelec ang postal voting kung kinakailangan, may COVID-19 man o wala.
Hindi na aniya bago ang nasabing hakbang dahil ginagamit na rin ang sistemang ito o ang “home voting” sa US, UK, Switzerland, Australia at New Zealand.
Ikatwiran pa ni Quimbo na kung papayagan ang pagboto sa pamamagitan ng koreo ng mga senior citizen, hindi na sila mapapagod sa pila at siksikan kung may halalan na kung minsan ay naglalagay sa panganib sa kanilang buhay.