Mula sa kabuuang 240,298 na naturukan na ng bakuna kontra COVID-19, mahigit sa pitong libo naman ang nakaranas ng “adverse events.”
Sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo sa media forum ng Department of Health (DOH) may kabuuang 7,469 na ang nakaranas ng “adverse events” mula sa Sinovac o Coronavac vaccine at AstraZeneca.
Kasama sa bilang ang isang health care worker na nasawi dahil sa COVID-19, at nauna nang nabakunahan ng Sinovac.
Sa tala, 167,798 ang naturukan na ng Sinovac kung saan 3,700 dito ang nakaranas ng adverse events habang 3,769 naman sa AstraZeneca vaccine mula sa kabuuang 72,499 na naturukan.
Pero ani Domingo, karamihan sa mga nairekord ng DOH ay mga “non-serious events” na aabot sa 7,331 habang ang mga serious events naman ay nasa 137.
Halos pareho lang aniya ang adverse events o epekto ng CoronaVac at AstraZeneca.
Kabilang na rito ang general sypmtoms na pananakit ng katawan, chills, paninikip ng dibdib, fatigue at iba pa.
Sinabi rin ni Domingo na kapag namatay, naospital ng matagal at nagkaroon ng significant disability o incapacity at iba pa ay masasabi na ito ay “serious adverse reaction.”