ARESTADO sa isinagawang entrapment operation ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang isang hepe ng pulisya at maging ng apat na tauhan nito dahil sa umanoy robbery extortion sa Zamboanga City araw ng Lunes, Marso 22, 2021.
Ayon sa report kay Police Brig. General Ronaldo Genaro Ylagan, ang Police Regional Office 9 (PRO9) Director, nasa kostudiya ngayon ng Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) ng Zamboanga City Police Office (ZPPO) ang dinakip na police official na si Police Major Orlyn Leyte, ang hepe ng police station 9 sa Barangay Ayala.
Nakilala din ang apat na tauhan nito na sina Police Staff Sergeants Hegenio Salvador at Asser Abdulkadim at sina Police Corporals Ismael Sasapan at Juman Arabani.
Nabatid sa ulat na sina Leyte at nabanggit na mga tauhan ito ay agad pinosasan ng mga operatiba ng IMEG matapos tumanggap ng P90,000 halaga bilang kabayaran sa inaayos na kaso kaugnay sa ilegal na droga.
Isang babaeng negosyante ang umanoy nabiktima ng robbery extortion ng grupo ni Leyte sa huwad na buy bust operation kamakailan kung saan inirereklamo ng biktima ang pagkulimbat sa kanyang mga alahas at malaking halaga ng pera.
Agad nagkasa ng entrapment operation ang IMEG kung saan naka police uniform pa ang mga pulis ng sila ay dakpin ng kanilang mga kabaro sa mismong opisina ni Leyte sa loob ng police station 9.
Nahaharap sa patong patong na kaso ang grupo ni Leyte kabilang ang robbery, extortion at paglabag sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code and Ethical Standard for Public Officials and Employees.