“Flattening the curve” sa COVID-19, inaasahang matatapos bago sumapit ang buwan ng Oktubre

Inaasahang matatapos na bago pa sumapit ang buwan ng Oktubre ang “flattening the curve” sa COVID-19 sa buong kamaynilaan upang mailipat sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) mula sa kasalukuyang General Community Quarantine o GCQ.

Ito ang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ngayong araw ng Sabado (September 5, 2020) ilang sandali matapos ang ginanap na pagpupulong kasama ang Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team sa Caloocan City.   

“Ang ating layunin sa buwan na ‘to ay ma-flatten tayo o ‘di kaya mas maganda kung maibaba natin ‘yung curve para siguro pagkatapos ng buwan ng Setyembre ay makapunta na tayo ng MGCQ at medyo maluwag-luwag ‘yung buhay ng mga tao,” pahayag ni Lorenzana.

Tiniyak din ni Lorenzana sa CODE team na lahat ng mga resources mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) at maging ng mga pribadong sector ay laging handa sa paglaban sa COVID-19 virus.

Ang CODE teams ay binubuo ng national at local health officials at iba pang partners nito na nasa frontlines.

Sa ilalim ng stratehiya ng CODE, ang sino mang nagpapakita ng sintomas ng COVID-19 ay ilalagay sa isang pagsusuri gamit ang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction o ang RT-PCR o swab test. Habang ang iba naman na na expose sa sintomas ng virus ay agad ilalagay sa isolation room.

Pinaaalahanan din ni Lorenzana ang ibang mga opisyal na huwag matakot sa COVID-19 virus dahil na rin sa mababang fatality rate nito.

“‘Wag tayong matakot sa COVID na ‘to dahil ‘yung iba kasing tao parang pagka nagkaroon ng COVID eh pinandidirihan ng kaniyang kapitbahay. Hindi, kasi ang casualty rito ay one percent lang, one percent, mas marami pang namamatay sa influenza at saka pnuemonia kaysa sa COVID,” ani Lorenzana.

Batay sa Department of Health (DOH), ang death toll sa Pilipinas ay umakyat na sa 3,790 na may 53 panibagong bilang na mga nasawi as of today (Saturday). Ang kabuuang numero sa mga bagong kaso ay nasa 234, 570.

“Ang key dito is malaman natin kung sino ang may COVID early, kasi lahat, siguro mga 99 percent ang nagsu-survive dyan eh gumagaling, gumagaling ‘yung nagkaroon ng COVID,” pagtatapos ni Lorenzana.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.