PANSAMANTALANG isinara ngayon ang Emergency Room (ER) ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Maynila dahil sa nasawing indibidwal na hinihinalang kaso ng meningococcemia.
Ang nasabing suspected meningococcemia case ay pumanaw ngayong araw sa emergency room ng nasabing ospital.

Sa abisong ipinalabas ng Manila Health Department (MHD), hanggang alas-otso bukas ng umaga isasara ang ER para bigyang-daan ang paglilinis at disinfection.
Ang meningococcemia ay impeksyon sa dugo mula sa bacteria na Neisseria meningitidis. Nakukuha ang sakit mula sa mga maliliit na patak o droplets mula sa bibig at ilong ng taong may sakit.
Maaari din itong makuha mula sa ubo, bahing, pakikipaghalikan, at iba pang malapitang pakikisalamuha sa taong may sakit nito.
Samantala, pansamantalang hindi muna papayagan ang face to face consultation sa Ospital ng Tondo simula ngayong araw.
Kasunod na rin ito ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa pagamutan.
Inaabisuhan ng MHD ang mga pasyente na idaan na lamang muna sa telemedicine ang pagpapakonsulta upang makaiwas sa hawahan.

