Posibleng irekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa gitna ng tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ang inihayag kahapon ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III matapos makapagtala ng halos limang libong kaso ng COVID-19 kada araw sa nakalipas na linggo.
Ayon kay Duque, kung magpapatuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 ay tiyak na irerekomenda ng IATF kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa ECQ ang quarantine status.
Hindi rin tiyak kung ang pagbabago sa quarantine status ay epektibo lamang sa Metro Manila, ang epicenter ng health crisis, o sa buong bansa.
Dagdag pa ng kalihim, nakakaalarma na ang pagsipa ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 kahit na inumpisahan nang ipatupad ang localized lockdown.
Maraming factors din umano ang nakaapekto sa pagtaas ng COVID-19 cases kabilang na ang pagsulpot ng COVID-19 variant, ang paglabas ng mga tao matapos luwagan ang quarantine status at ang pagiging pabaya na rin mismo ng mga mamamayan at hindi pagsunod sa minimum health protocols.
Umaasa rin ang kalihim na hindi mangyayari ang projection ng OCTA Research Team na aabot sa 8,000 ang daily cases sa katapusan ng buwan.