NAGPATUPAD ang Bureau of immigration (BI) ng dress code adjustment kasunod ng matinding init na panahon na nararanasan sa buong bansa.
Ayon sa isang memorandum mula sa BI Administrative Division, lahat ng mga empleyado ay maaaring magsuot ng casual uniform mula Mayo 7 hanggang Mayo 31, maliban kung Lunes kung saan kinakailangang magsuot ng complete uniform.
Exempted sa nasabing memorandum ay ang civil security unit at ang mga naka-assign sa international ports of entry at exit.
Ang hakbang ay kasunod ng nararanasang mainit na panahon na sinasabing napapailalim sa “dangerous” heat index classification.
Matatandaan na pinayagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kanilang empleyado sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Fire Protection (BFP) na magsuot ng light uniform habang naka-duty.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, mahalaga ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado kaya ipinapatupad ang dress code adjustment.