BILANG bahagi ng selebrasyon ng Lung Cancer Awareness Month, inilunsad ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang Manila Bay smoke-free campaign.
Layon ng kampanya na itaguyod at isulong ang isang breathable environment kung saan ang publiko ay masaring magpalipas ng oras habang naglilibang.
Sa nasabing kampanya, nangako ang iba’t-ibang ahensya at non-government organizations (NGOs) ng No Smoking sign na ilalagay sa Dolomite Beach.
Kasama rito ang Metropolitan Manila Development Authority at lokal na pamahalaan ng Maynila, gayundin ang pribadong sektor tulad ng Action on Smoking & Health (ASH) at Philippines and Asia Pacific Cities Alliance for Health and Development (APCAT).
Noong 2020, ayon sa datos mula sa World Health Organization (WHO) Global Cancer Observatory, ang lung cancer ay nananatiling pangalawang pinakalaganap na sakit at ang pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay na may kaugnayan sa cancer sa parehong kasarian sa buong mundo.
Sa Pilipinas, 19,180 na bagong lung cancer na mga kaso ang naitala para sa parehong kasarian na katumbas ng 12.5 percent ng lahat ng kaso ng cancer sa bansa.
Ang nasabing porsyento ay pangalawa sa pinakamataas sa lahat ng uri ng cancer na may pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso.
Sa pamamagitan ng paglulunsad ng Smoke-Free Manila Bay kasama ang mga multi-sectoral partner agencies, sinabi ng DOH-MMCHD na umaasa ang maraming Pilipino na makita ang paninigarilyo bilang isa sa dahilan ng pagkakaroon ng cancer sa baga kaya hindi sila hinihikayat sa nasabing bisyo.