Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) ang panukala na iprayoridad ang COVID-19 vaccination sa mga rehiyon na may naitalang mataas na kaso ng sakit.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na dapat i-calibrate ng ahensya ang pagtugon sa COVID-19 sa gitna ng pagsirit ng kaso ng coronavirus .
Aniya, mas dapat tulungan ang mga mas nangangailangan at kung saan ang may rumaragasang kaso ng epidemya.
Kabilang sa may mataas na kaso ang National Capital Region (NCR), Calabarzon, Region 3, Region 7, CAR ngunit hihintayin pa aniya ang desisyon ng ‘NTF at IATF.
Una nang nanawagan ang grupo ng mga eksperto sa gobyerno na unahin ang capital regions sa vaccination drive kung saan nakikita ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ang Metro Manila rin ang epicenter ng pagtaas ng mga kaso kung saan mayroon itong 267,000 kaso ng COVID-19 hanggang nitong March 18 na datos ng DOH.
Nakatakda namang tumanggap ang pamahalaan ng karagdagan pang 2.3 milyong bakuna ng Sinovac at AstraZeneca mula sa COVAX facility.
Umabot na rin sa 240,000 ang nakatanggap ng bakuna mula sa mga healthcare workers na pangunahing prayoridad sa vaccination program.
Samantala, hinikayat naman ni Duque ang publiko na maging mahinahon sa pagpuna sa pagtugon ng gobyerno sa pandemya .
Ang reaksyon ng kalihim ay kasunod ng naging pahayag ng isang dating DOH official na nagsabing ang bansa ay 10 hakbang na paatras mula nang tugunan ang pandemya noong nakaraang taon.
“Hindi naman siguro tama na sasabihin na 10 steps backward. Magmalasakit naman sila sa mga health-care workers natin. Ang kabayanihan ay hindi mapantayan. Ang daming mga buhay ang naisalba, kinalinga, pinagaling. Sana naman ‘wag gano’n kalupit ang kanilang mga opinyon,” ayon pa kay Duque.