Dalawang pulis patay, isa pa sugatan sa barilan sa MPD HQ

DALAWANG pulis Maynila ang patay at isa pa ang nasugatan nang magkaroon ng palitan ng putok sa loob mismo ng Manila Police District (MPD) headquarters  sa UN Avenue, Maynila kagabi.

Idineklarang patay ang suspek na si PEMSgt. Reynante Dipasupil dakong alas 12:45 ng madaling-araw ngayong Sabado samantalang si PEMSgt. Romeo Cantal naman ay binawian ng buhay ng alas 3:06 ng madaling araw.

Ayon sa ulat, bigla na lamang umanong dumating si Dipasupil  sa tanggapan ng District Police Intelligence Operations Unit (DPIOU) Office 11:30 ng Biyernes ng gabi na di-umano’y lasing at pinagsisira ang pintuan ng naturang opisina.

Sinabihan nito ang duty desk officer na si  PSSgt. Michael Datur na huwag siyang pakikialaman saka kumuha ng malalakas na kalibreng baril mula sa kabinet nito sabay pinaputukan ang itaas na bahagi ng tanggapang nabanggit.

Matapos ito ay bumaba ang suspek kung saan nakasalubong nito si si PLt. Col. Dionelle Brannon sabay pinaputukan ito, pati na ang opisina ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) kung saan tinamaan si PMSgt. Raynelado Cordova.

Sunod na ginawa ng suspek na si Dipasupil ay ang umakyat sa 2nd floor patungo opisina ni MPD Director Brig Gen. Leo “Paco” Francisco, kung saan muli itong nagpaputok ng kanyang dalang baril dahilan para mabasag ang mga salamin sa opisinang nabanggit.

Gumanti na rin ng putok sina PSSgt. Aaron Urbano, PSSgt. German Roque Jr. at  PSSgt. Allen Camangon, mga Duty Security laban kay Dipasupil.

Pagkatapos nitong maubusan ng bala ay bumaba naman si Dipasupil sa bandang likod ng MPD HQ at binaril si PEMS Cantal gamit ang kanyang service firearm matapos siyang tinangkang pasukuin nito.

Wala nang magawa ang mga rumespondeng SWAT team kundi ang paputukan ang suspek.

Isinugod sa Manila Medical Center sina Cantal at Cordova samantalang sa Manila Doctors Hospital naman dinala si Dipasupil kung saan idineklara itong patay.

Kasalukuyan pang inoobserbahan sa Manila Medical Center si Cordova.

Sa panayam kay Gen. Francisco, binubuo pa nila ang lahat ng mga detalye sa nasabing insidente at maglalabas ang MPD ng opisyal na pahayag ukol dito.

Hanggang sa ngayon, wala pa ding linaw kung bakit lasing at nag-amok si Dipasupil at ang motibo sa pamamaril.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.