DALAWANG lalaki ang magbabakasyon sa kulungan dahil sa ginawa ng mga ito na panloloko sa isang sari-sari store owner para maglipat ng halagang P19,741 sa pamamagitan ng online transaction.
Ayon kay Valenzuela Police Chief Col. Salvador Destura Jr., kinilala ang mga naarestong suspek bilang si John Lester Valdemar, 33 anyos, at Jayson Soron, 23 anyos, kapwa naninirahan sa Brgy. Veinte Reales.
Sinabi ni Station Investigation Unit (SIU) chief PLt. Robin Santos na lumapit si Soron sa 55-anyos na sari-sari store owner na kanyang kapitbahay para magpacash-in sa GCash ng P50 subalit bogus na GCash number umano ang ibinigay ng suspek sa biktima kaya nag-send ng OTP (One-Time Password) ang GCash para sa verification.
Dahil alam ni Soron ang sistemang ito, hiniling niya sa biktima na ipakita sa kanya ang cellphone nito na kunwaring kanyang susuriin ang error at nang ipakita ng biktima ang cellphone niya ay kaagad na-memorize ng suspek ang OTP na ipinadala ng GCash.
Makalipas ang isang oras, nakatanggap ang biktima ng notification na naglipat siya ng P19,741 sa isang John Lester Valdemar.
Humingi ng tulong ang biktima kay Sub-Station 6 commander PLt. Armando Delima na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong estafa / swindling.