Christmas tree, lampposts sa Maynila, pinailawan na

SABAY-SABAY na pinailawan ang Christmas Tree, Nativity Scene, mga Christmas lantern at poste ng ilaw sa lungsod ng Maynila.

Ang naturang Christmas tree ay may taas na 45 talampakan, may mga kulay na ginto at pilak na sumisimbolo sa mas magandang kinabukasan para sa mga Manileño at kagandahan para sa modernong lungsod.

Samantala, ang mga korona ay sumisimbolo sa koronang tinik na isinuot ni Hesukristo noong ipinako siya sa krus.

Dinisenyo ng local display artist na si Norman Francisco Blanco ang Christmas Tree na naghihikayat sa mga Manileño na pagnilayan ang kapanganakan ni Hesukristo.

Bukod sa pagpapa-ilaw ng Christmas Tree na matatagpuan sa Kartilya ng Katipunan, lumahok din ang National Museum of the Philippines-Fine Arts Building, Manila Central Post Office, Rizal Park, at Tutuban Center.

Ang sabay-sabay na pagpapailaw ay ang unang lighting ceremony na pinangunahan ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, ang unang babaeng alkalde ng lungsod ng Maynila.

Kasama ni Lacuna sina Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto at Department of Tourism, Culture, and Arts of Manila Officer-in-Charge Charlie Dungo.

Sinabi ni Lacuna na maaaring ipagdiwang ng mga Manileño ang Pasko sa pamamagitan ng mga simpleng gawa ng kabutihan na makakatulong sa kapwa.

(PHOTO CREDIT: Manila PIO)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.