Calamba City, Laguna–Ang lalawigan ng Cavite ang siyang nagtala ng pinaka-mataas na mga kaso ng COVID-19 sa buong rehiyon ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), ayon ito sa Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) Region 4A.
Umabot na ang Cavite sa bilang na 23,804 ng mga confirmed cases, 3,285 ang mga aktibong kaso,19,918 ang mga nakarekober, samantalang nasa 601 naman na ang mga namatay. Base ito sa datos na ipinalabas ng DOH-CHD 4A noong Huwebes, Marso 25, 2021.
Pumangalawa naman ang lalawigan ng Laguna kung saan may 22,231 kumpirmadong mga kaso ng COVID-19, 1,941 ang mga aktibong kaso, 19,759 ang mga nakarekober at 531 ang mga namatay.
Ang Batangas naman ay nasa ika-tatlong puwesto na may 14,556 confirmed cases,1,267 active cases,12,842 ang mga nakarekober samantalang 447 naman ang mga nangamatay.
Sa Rizal ay may 19,738 confirmed cases, 2,184 ay mga aktibong kaso,16,952 ang mga nakarekober at 602 ang binawian ng buhay.
Ang lalawigan ng Quezon na lamang ang natatanging probinsiya sa buong Calabarzon ang nananatili sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) status, na mayroong halos 6,058 confirmed COVID-19 cases, 413 ay mga aktibong kaso, 5,442 ang mga gumaling at 203 lamang ang mga namatay.
Samantala, dalawa naman sa tatlong mga ospital sa Cavite ang naglabas na ng abiso sa publiko na puno na ang kanilang pasilidad para sa mga pasyenteng may sakit ng COVID-19.
Isa rito ang Ospital ng Imus na puno na ang kanilang bed capacity habang ang Medical Center sa Imus din ay puno na ang emergency rooms at ward.
Maging ang De La Salle University Medical Center sa Dasmarinas City ay puno na din noon pang Marso 19 ngunit handa din naman silang tumanggap ng mga out-patients at non-COVID-19 cases.