HINDI pa rin mairerekomenda ng Department of Health (DOH) na maibigay sa mga batang edad 5 hanggang 11 ang booster shot laban sa COVID-19.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, wala pang ibinababang clearance o permiso ang regulatory agencies ng bansa upang payagan ang pagtuturok ng booster dose sa mga nakababatang populasyon.
“Until now, booster shots are still not recommended by the Philippine government to our children five to 11,” ani Vergeire.
“Even our experts, wala pa rin pong narerekomenda diyan. We will be informing the public kung sakaling magkaroon tayo ng bagong polisiya na nirerekomenda na natin ang boosters for five to 11 pag sapat na ang ebidensya,” dagdag nito.
Batay sa datos ng DOH, mayroon nang aabot sa 5,231,460 na mga batang edad 5 hanggang 11 ang fully vaccinated laban sa COVID-19.
Gayunman, ang nasabing bilang ay nasa 48.02 percent pa lamang ng target na populasyon ng mga bata na dapat mabakunahan.