PINASINAYAAN ang isang bagong pasilidad kasabay ang paglagda sa “Deed of Donation” para sa pagpapatayo ng blood bank sa Sta. Ana Hospital ngayong araw ng Miyerkules.
Ang pagpapasinaya ay pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo-Nieto.

Nilagdaan din ng dalawa ang Deed of Donation sa pagitan ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila at ng Jaime V. Ongpin Foundation para sa donasyon nitong pagpapatayo ng blood bank sa nasabing pampublikong ospital saka isinagawa ang “groundbreaking ceremony.”
Layunin ng pagpapatayo ng blood bank sa nasabing ospital na makapag-imbak ng dugo para sa mga pasyenteng isasailalim sa operasyon, gayundin para sa mga may iba’t-ibang kapansanan at sakit na nangangailangan ng dugo.
Ayon kay Lacuna, sa pamamagitan nito ay maraming matutulungan na kapus-palad na nahihirapang humanap ng dugo sa panahon ng kanilang pangangailangan.
Nanawagan din si Lacuna sa mga Manilenyo na mag-donate ng dugo sa Sta. Ana hospital upang makatulong lalo na sa mga nangangailangan.
Binanggit din nito na ang Jaime V. Ongpin Foundation din ang nagdonate ng mga state of the art na Dialysis Center sa nasabi ding ospital.
Samantala, pinasinayaan din nina Lacuna at Servo ang bagong Ambulatory Surgical Clinic sa ika-8 palapag ng Sta. Ana Hospital sa tulong ng Operation Smile na isang dekada na umanong katuwang ng Manila LGU sa nabanggit na pampublikong ospital sa pagsasagawa ng misyon sa pag-oopera ng mga may bingot o may mga cleft palate.
“Ang Ambulatory Surgical Clinic ay regular na magagamit sa iba pang gagawing operasyon na hindi na kinakailangan manatili sa ating mga ospital bagkus pagkatapos ng mga operasyon ay maaari na po silang umuwi,” ani Lacuna.
Nagpasalamat din si Lacuna sa pamunuan ng Department of Health (DOH) sa pagbibigay ng accreditation sa bubuksan na Ambulatory Surgical Clinic.