Bilang ng mga kaso ng fireworks-related injuries, sumampa na sa 291

SUMAMPA na sa 291 ang naitalang bilang ng mga kaso ng fireworks-related injuries mula Disyembre 21, 2022 hanggang Enero 5, 2023.

Ayon sa Department of Health (DOH), mas mataas ito ng 55 percent kumpara sa 188 kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon .

Base sa latest surveillance report, mayroong 14 pang kaso ng fireworks-related injuries ang naitala sa sentinel hospitals ilang araw matapos ang Bagong Taon.

Sa 291 caseload—290 ang nasugatan dahil sa paputok, at isa ang kaso ng ligaw na bala. 

Nangunguna pa rin ang National Capital Region (NCR) sa listahan ng mga rehiyon na may pinakamaraming naitalang pinsalang may kaugnayan sa paputok na umabot sa 136.

Nakapagtala naman ang Western Visayas ng 33 fireworks-related injuries, Ilocos Region na may 29, Central Luzon na may 24, Calabarzon na may 15, Bicol Region na may 13, at Cagayan Valley na may 10. 

Walong kaso ang nagmula sa Central Visayas, pito mula sa Soccsksargen, tig-apat mula sa Mimaropa at Cordillera Administrative Region (CAR), tatlo mula sa Northern Mindanao, dalawa mula sa Davao Region, at tig-isa mula sa Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Bangsamoro Region.

Nagtamo ng sugat sa kamay ang 105 mga biktima, 80 sa mata, 39 sa ulo, 37 sa binti, at 33 sa bisig o braso.

Labing-walo sa kanila ang nagkaroon ng mga pinsala sa pagsabog o paso na nangangailangan ng amputation. 

Sa kabila nito, wala namang naitalang nasawi dahil sa fireworks injuries.

Ipinunto rin ng DOH na karamihan o 162 ng mga kaso ay nangyari sa lansangan habang 121 ang nangyari sa bahay.

Apatnapu’t siyam sa mga biktima ay lasing umano nang mangyari ang aksidente. 

Mga lalaki na edad isa hanggang 80 ang karamihan sa mga biktima o 231 sa kanila.

Ang mga nangungunang paputok na sanhi pa rin ng aksidente ay ang kwitis, boga, 5-star, at fountain. 

Wala namang naiulat na kaso ng ingestion ng paputok, ayon sa DOH.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.