Bilang ng mga debotong dumagsa sa Traslacion 2024, tinatayang umabot sa mahigit 1 milyon

TINATAYANG umabot sa 1,008,000 milyon ang bilang ng mga sumama sa prusisyon ng Banal na Itim na Poong Nazareno sa pagbabalik ng Traslacion ngayong taon.

Ito ang pagtaya ng Quiapo Church Command Post base sa monitoring nito sa bilang ng mga sumama sa prusisyon ngayong araw mula kaninang alas-8 hanggang ika-10 ng umaga, isang pagpapakita na tila nanumbalik na muli ang sigla ng mga deboto.

Nasa 60,500 deboto naman ang crowd estimate sa Simbahan ng Quiapo kasama na ang mga nasa Plaza Miranda, Quezon Boulevard kung saan nakapwesto ang iba pang deboto na hindi makapasok sa loob ng Simbahan.

Sa mga oras na ito ay nasa kasalukuyan pa ring tinatahak ng Andas ang maliliit na eskinita ng Arlegui St.

Ayon kay Col. Leandro Gutierrez, ang hepe ng Palaza Miranda, mas mabilis ngayon ang usad ng prusisyon at inaasahang makakapasok na ang Andas bandang hapon.

Kung ganyan ang galaw, posibleng hapon pa lang nandito na [Quiapo Church] –hindi na abutin pa ng gabi,” pahayag ni Gutierrez.

Muli naman siyang nagpaalala sa mga deboto na huwag nang magdala pa ng mga ipinagbabawal na mga bagay upang hindi na maabala pa sa kanilang pagsisimba.

Sa pagpapatuloy ng prusisyon, nababawasan naman ang crowd estimate dahil karamihan ay nagsisiuwian na matapos mabasa nang bahagyang umulan sa kasagsagan ng Traslacion.

(PHOTO CREDIT: Manila Public Information Office Facebook page)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.