INARESTO ng pulisya ang miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) dahil umano sa pangingikil mula sa isang aplikante.
Natukoy ang suspek na si Fire Officer 1 Karla Rodriguez, 29-anyos, nakatalaga sa BFP Guiuan Fire Station sa Eastern Samar.
Ayon kay Police Maj. Gen. Eliseo Cruz, director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), inilunsad ang operasyon kasunod ng reklamo ng isang babaeng aplikante na humingi umano ng “lagay” sa kanya si Rodriguez para masigurong makalulusot ang papel nito sa BFP.
Aabot sa P150,000 ang halaga ang hinihingi umano ng suspek sa babaeng aplikante.
Sinabi ni Cruz na nakapagpadala na ng P60,000 sa suspek sa pamamagitan ng mobile wallet application at magkikita sana sila para sa balanse nito.
Gayunman, sa isang entrapment operation sa isang mall sa Tacloban City ay duon na nahuli sa akto ang suspek na tinatanggap ang marked money. Nahaharap ngayon si Rodriguez sa kasong paglabag sa Republic Act 9485 o Anti-Red Tape Law.