Banal na Misa ng Santo Papa para sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas, idaraos ngayon

Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na makiisa habang ipinagdiriwang ng Santo Papa ang Banal na Misa  para sa paggunita ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bansa.

Isasagawa ito ngayong araw, Marso 14, ganap na alas 5 ng hapon.

Kasama ng Santo Papa si Cardinal Luis Antonio G. Tagle, prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples, at  Cardinal Angelo De Donatis, ang vicar ng Santo Papa sa Roma sa pagdiriwang ng Eukaristiya.

Limitado lamang sa 100 ang bilang ng mga tao na maaaring makakadalo sa Banal na Misa dahil na rin sa panganib ng pandemya.

Isasagawa ang Banal na Misa sa St. Peter’s Basilica sa Vatican City  ganap na alas 10 am (Rome time) o alas 5 ng hapon Philippine time.

Ayon sa CBCP, mapapanood sa pamamagitan ng social media ang pagdiriwang mula sa Vatican  upang mapanood ito ng milyong-milyong Filipino sa buong mundo.

Inilabas naman ng CBCP ang mass booklet  para sa selebrasyon. Ang booklet ay available na online. (https://pcfroma.org/wp-content/uploads/2021/03/210312-Pope-Francis-March-14-Mass-booklet.pdf), na naglalaman ng mga awitin sa Italian, English, Filipino, Cebuano at Latin.

Dadasalin naman ng Santo Papa ang Angelus ganap na alas 12 ng tanghali.

“The Angelus will be televised and streamed online so our friends and relatives might see us back home,” ayon naman kay Fr. Greg Gaston ng Pontificio Colegio Filippino.

Hinikayat din ng pari ang mga Filipino na makakadalo sa espesyal na misa na personal na magdala ng watawat ng Pilipinas.

Sinabi naman ni Balanga Bishop Ruperto Santos na ang misa ng Santo Papa para sa paggunita ng ika-500 taon ng Kristiyanismo  sa Pilipinas ay isang malaking pagpapala, pribilehiyo at inspirasyon para sa mga Pilipinong Katoliko sa buong mundo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.