Bagyong Ulysses, mala-Ondoy na humagupit sa Metro Manila at Luzon

MAIKUKUMPARA o dinaig pa ng Typhoon Ulysses ang bagyong Ondoy na nanalasa rin sa Metro Manila at kalapit mga lalawigan sa Luzon nuong taong 2009 na nag-iwan ng 464 na nasawing indibidwal.

Ayon kay Benison Estareja, weather forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kung pagbabatayan ang dami ng ulan na ibinuhos ng bagyong Ulysses mula nang tumama ito sa kalupaan ay nahigitan nito ang dala ng bagyong Ondoy.

“In terms of pag-ulan natin, ina-assess pa rin natin pero comparable po… Masasabi nating mas maraming pag-ulan na naranasan dito sa bagyong Ulysses compared kay Ondoy dahil malawak ang bagyo,” pahayag ni Estareja.

“The worst is over (in Metro Manila), pero di naman po natin masasabing getting any better sa ngayon dahil marami pa rin pong lugar na apektado,” dagdag pa nito.

Sinabi naman ni Ariel Rojas ng PAGASA na nagbuhos ng malakas na pag-ulan ang bagyong Ulysses sa pinakamataas na antas na rainfall na 356 millimeters sa nakalipas na 24 oras sa bayan ng Tanay, Rizal.

Nasa 271 mm naman ang ibinuhos ito sa Daet, Camarines Sur habang 255 mm sa Infanta, Quezon at 238 mm sa Casiguran, Aurora. Naitala naman ang 153 mm rainfall ang Ulysses sa Quezon City.

ALA-ALA NG ONDOY

Kasunod ng walang tigil na pag-ulan at malakas na hangin na nagresulta ng mga biglaan pagbaha sa Metro Manila at kalapit mga probinsiya ay nabuhay ang takot na dinanas ng ilang mga residente nuong manalasa ang Tropical Storm Ondoy partikular na sa Marikina City.

Sinabi ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na nuong 2009 ay nalubog sa tubig at putik mula sa Marikina River ang malaking bahagi ng lungsod ngunit mas malalang pagbaha ang iniwan ng bagyong Ulysses dahil umabot ng 21.6 meters ang antas ng tubig sa ilog.

“It has gone beyond even the water level when we experienced Ondoy in the city,” ani Teodoro.

Sinabi ni Teodoro na una nang tinaya lamang nila sa 18 meters ang itataas ng ilog ngunit hindi inakala na kahit ang mga lugar na hindi normal na binabaha ay nalubog.

“That’s the reason why many of our residents, particularly those residing in areas which are not normally flooded, are stranded at this point in time,” dagdag pa ng alkalde.

Dahil sa lokasyon, ang Marikina City ang nagsisilbing catch basin ng pagbaha mula sa kabundukan ng Rizal.

“It’s scary because our experience here is similar to Ondoy, because during Ondoy, it happened just like this. While everyone was sleeping, the river’s water level suddenly rose,” pahayag pa ni Teodoro.

2 PATAY KAY ULYSSES, LIBU-LIBONG PAMILYA INILIKAS

Dalawang residente sa Camarines Norte ang iniulat na namatay habang mayruon pang walo ang sinasabing nawawala matapos na humagupit ng bagyong Ulysses sa Bicol Region.

Batay sa paunang ulat ng Office of Civil Defense Region V, naitala ang dalawang nasawi sa mga munisipalidad ng Daet at Talisay.

Tatlo naman sa mga nawawala ay mula sa mga bayan ng Vinzons at Mercedes habang ang mga nasugatan ay taga-Mercedes, Basud, Daet at Vinzons.

Samantala, sa pinakahuling situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot sa 6,676 pamilya o katumbas ng 25,031 indibidwal sa 273 barangay sa Region II, CALABARZON, MIMAROPA at Cordillera ang naapektuhan ng bagyong Ulysses.

Mayruon ding kabuuang 76 kalsada, 30 tulay sa Region 1, 2 at CAR ang apektado ng pagbaha, mudflow, landslide, pag-apaw ng ilog at pagguho kung saan ay  57 road sections at 26 tulay ang hindi madaanan.

Pumalo naman sa 1, 632 pasahero, 159 rolling cargoes, 9 barko, 3 motorbanca at 299 na iba pang sasakyan ang stranded sa iba’t-ibang pantalan sa CALABARZON, Region V at VIII.

Nakaranas din ng kawalan ng suplay ng tubig at kuryente sa Metro Manila gayundin sa mga probinsiyang dinaanan ng bagyong Ulysses.

SUSPENSYON NG KLASE AT TRABAHO, EXTENDED

Simula Nobyembre 11 hanggang 13 ay suspendido ang klase sa lahat ng antas ng paaralan sa Region 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, Cordillera at National Capital Region. Sinuspindi rin nitong Huwebes at Biyernes ang pasok sa trabaho ng mga tanggapan ng gobyerno.

HANDA ANG GOBYERNO SA BAGYO PERO…

Pinaghandaan umano ng gobyerno ang malawakang pagbaha na maaaring idulot ng bagyong Ulysses ngunit ang ilang mga residente umano ang tumanggi na lumikas bagamat sinabihan na ang mga ito.

Pahayag ito ng Office of Civil Defense (OCD) sa gitna ng marami pang mga residente ang naipit sa gitna ng malalim na pagbaha sa kanilang mga bahay at humihingi ng saklolo.

“We were not actually caught flat-footed dito sa event na ito. Kung minsan lang kasi, kapag nag-iikot ang ating local officials, hindi kaagad sumusunod ang mga kababayan natin,” pahayag ni OCD Deputy Administrator for Operations Assistant Secretary Casiano Monilla.

“Kumbaga mas nagre-rely tayo kung ano ang ating nararamdaman, kung ano ang prevailing na sitwasyon na ating nararamdaman other than the advice na binibigay ng Pagasa,” dagdag nito.

Sinabi ni Monilla na nuong Miyerkules pa lamang ay nagpatupad ng forced evacuation ang ilang lokal na pamahalaan.

Naninindigan ang opisyal na natuto na ang gobyerno sa pagkawasak na idinulot ng bagyong Ondoy kaya’t pinaghahandaan na nito ang mga papalapit na kalamidad.

“Since then, nagkaroon na ng patuloy na pagpaplano. Na-capacitate na rin lahat ng ating local government para sa pagpaplano hanggang sa kanilang execution at sa mga contingencies, sila ay nakahanda,” pahayag pa ni Monilla.

Kasabay nito, iginiit ni Monilla na hindi pa ito ang tamang panahon upang magturuan o manisi at makabubuting tutukan muna ang pagliligtas at pagtugon sa mga apektadong residente.

“I guess it’s not time for us to point fingers. I’m sorry to say that. But what we are focusing now is the conduct of the rescue operations. Let us finish the operations, we save lives first then saka na siguro natin pag-usapan yan,” diin ni Monilla.

BAGYONG ULYSSES, HUMINA NA HABANG PAPALAYO SA PILIPINAS

Bahagya nang humina habang kumikilos papalayo sa territory ng bansa ang bagyong Ulysses na nasa bahagi na ng West Philippine Sea.

Tinataya ng PAGASA na palabas na rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo, Biyernes ng umaga.

Dakong alas-4 ng hapon ng Huwebes nang huling mamataan ang bagyo sa layong 200 kilometro ng Kanluran ng Iba, Zambales na kumikilos sa bilis na 25 kilometer per hour. Taglay ng bagy ang lakas ng hangin na hanggang 120 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 150 kilometro kada oras. Nakataas na lamang ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa western portion ng Pangasinan (Bautista, Alcala, Malasiqui, Santo Tomas, Santa Barbara, Mapandan, Mangaldan, Dagupan City, Calasiao, San Carlos City, Basista, Bayambang, Urbiztondo, Mangatarem, Aguilar, Binmaley, Lingayen, Bugallon, Labrador, Infanta, Mabini, Dasol, Sual, Alaminos City, Burgos, Agno, Bani, Bolinao, Anda), Tarlac, western portion ng Pampanga (Magalang, Mabalacat, Angeles City, Porac, Floridablanca, Arayat, Mexico, Santa Ana, San Fernando City, Bacolor, Santa Rita, Guagua, Lubao, Sasmuan), Zambales, Bataan, at Lubang Island.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.