Bagong quarantine status, malalaman pagkatapos ng Pasko

NAKATAKDANG magsumite ng kanilang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases patungkol sa bagong community quarantine classifications sa bansa pagkatapos ng Pasko.

Ipinahayag ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, vice chairman ng IATF, kasabay ng pagtiyak na hindi mangyayari ang kumalat sa social media na magpapatupad ng modified ECQ sa Metro Manila dahil sa holiday season.

Ayon kay Nograles, buwanan na nagbibigay ng rekomendasyon ang IATF kaugnay ng paiiraling quarantine status sa National Capital Region at iba pang bahagi ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sinabi pa ni Nograles na pagkatapos ng Pasko ay magpupulong ang IATF upang pagdesisyunan kung ano ang magiging rekomendasyon sa Presidente.

“Yung susunod diyan, pagkatapos ng Pasko ay magmi-meeting kami pagkatapos ng Pasko para desisyunan namin anong recommendation namin kay Pangulo bago pa man sumapit ang Enero. Ganun ang patakaran namin,” ayon kay Nograles.

Gayunman, nilinaw din ng opisyal na mayruon namang kapangyarihan ang lokal na pamahalaan upang magpatupad ng localized community quarantine na aprubado ng regional IATF.

Sa ngayon, mananatili aniya ang general community quarantine hanggang sa Disyembre 31…(Jeff Tumbado)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.