Pumalo ngayon sa 8,019 ang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health (DOH) ngayong araw, Marso 22.
Ang gumaling naman sa sakit ay 103 habang nakapagtala lamang ng apat na mga bagong pumanaw sa kabila ng maraming naitatalang bagong kaso araw-araw.
Sa kabuuan, ang naitalang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay umabot na sa 671,792 kung saan ang recoveries ay umakyat naman sa 577,850 habang 12,972 na ang namamatay sa sakit.
Umakyat na rin sa 80,970 ang mga aktibong kaso na patuloy na ginagamot sa iba’t-ibang pasilidad sa buong bansa.
Sa case bulletin, halos 97.5 percent naman ang mild at asymptomatic na kaso.
Kaugnay pa rin sa mabilis na pagtaas ng mga kaso sa bansa, nanawagan ang DOH na paigtingin pa ang pag-iingat upang maiwasan ang pagkalat pa ng sakit.
Ayon pa sa DOH, mainam na manatili na lamang sa loob ng bahay dahil ito ang pinakamaiging paraan para maiwasan ang pagkahawa-hawa. Lumabas lamang kapag may mahahalagang bagay na gagawin at dapat ugaliin ang wastong pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing upang tiyak na ligtas sa anumang virus, variant o mutation ng COVID-19.